San Juan Bautista Parish (Founded 1605) Poblacion, Liliw, 4004 Laguna
Feast Day: August 29 (Beheading of St. John the Baptist)
Facebook Page: https://www.facebook.com/SJBP.Liliw/
IKAWALONG ISTASYON: KINAUSAP NI HESUS ANG MGA BABAING TAGA-JERUSALEM
N. Sinasamba at pinupuri ka namin, O Kristo.
S. Sapagkat sa pamamagitan ng Krus ay sinakop mo ang mundo.
Pagbasa (Lc 23:27-31)
Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi,”Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Tabunan ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Itago ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin kapag ito’y tuyo na?”
Pagninilay
Hindi nangangahulugan na hindi pinansin ni Hesus ang mapagmahal na pananangis ng mga kababaihan, katulad ng kanyang pagkilala sa mga mabubuting gawa na kanyang tinanggap nang siya ay nangangaral pa. Sa pagkakataong ito, si Hesus pa ang nagpakita ng pagmamalasakit sa paghihirap na sasapitin ng mga “kababaihan ng Jerusalem. Sa di kalayuan ay may naghihintay na unos na nanganganib na maminsala sa banal na lungsod. Ang mga titig ni Hesus ay nakatuon sa makalangit na paghahatol na darating sa kasamaan at kawalan ng katarungan. Nababahala si Hesus sa dalamhati na sasapitin ng mga kababaihang ito sa oras na kumilos ang Diyos sa kasaysayan ng tao. Ngunit ang kanyang mga salita na naghuhudyat ng naiimbing lagim ay hindi nagdudulot ng paghihirap at kamatayan ayon sa mga propeta, bagkus pagbabago at buhay: “Lumapit kayo kay Yahweh at kayo’y mabubuhay… Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga, makikigalak pati mga binata’t matatanda; ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa, aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan” (Amos 5:6; Jeremias 31:13).
Panalangin
Ama naming makapangyarihan, pinayapa ni Hesus ang damdamin ng mga bababeng sa paghihirap niya ay nakiramay, hayaan mong pagaanin din namin ang kalooban ng mga taong aming kalakbay. Matanto nawa namin na ang tunay na kapahamakan ay ang mga taong bingi sa tawag ng kapwa at ang puso ay guwang. Ikaw nawa’y aming makita sa kapwa naming hikahos at baon sa dusa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng iyong Anak na kapayapaan ng lahat. Amen. Ama Namin… Aba Ginoong Maria…. Luwalhati sa Ama
Reviews for San Juan Bautista Parish (Liliw)